July 16, 2024

Sa nakaraang 26 na taon simula nang magsulat ako sa Baguio Midland Courier na nag-umpisa nung ako ay nag “Optional retirement” sa gobyerno noong 1998, ay marami nang kaganapan.

Nakakalungkot man  isipin na magwawakas na ang aking karanasan sa pagsusulat (though I am accidental writer) ngayong Hulyo 2024 sa pagsasara ng Midland ay pilit kong  sinasariwa  ang mga alaala ng nakaraan.

Nagba balik tanaw ako, ika nga. Personal man ito o may kinalaman sa komunidad at Baguio Museum. Nuong ako’y nagretiro nung 1998 ay nakiusap ako kay Dr. Charlie Hamada kung pwede akong magsulat sa Midland para ipamahagi ang aking kaalaman at karanasan sa turismo habang ito ay sariwa pa sa aking pananaw at kaalaman. Napakarami ko na palang naisulat magmula noon.

Ang isa sa aking column ay “Turo-Tour” na ang titulo ay nanggaling sa “Turo” pagtuturo nang kaalaman at ang “Tour” naman ay shortcut nang turismo.

Lingid sa inyong kaalaman ako ay nagtrabaho sa Kagawawarn ng Turismo ng  mahigit na 20 taon.  Ito ay sa pamumuno bilang direktor ng DOT-Cordilyera na aming itinatag nung 1988 at nang DOT-Region 1(Ilocos) nung nag regionalize ang mga opisina ng DOT pagkalipas ng EDSA Revolution.

Ang ikalawa naman na aking sinusulat ay sa “LifeStyle” na proyekto ng chief operations officer at publisher ng Midland Courier na si Gloria Antoinette Hamada na nanggaling pa sa Estados Unidos para pamunuan ang Midland.

Siya ay  nakakatandang kapatid ni Dr.  Charlie. Dahil sa pagmamahal ng mga Hamada sa mga kawani nang Midland Courier at sa pahayagan mismo ng Baguio  ay ipinagpatuloy nila ang pamamalakad ng Midland. Mayroong mga taon na ako tumigil panandali sa pagsusulat nuong ako ay nagkasakit.

Nagdesisyon akong ipagpatuloy ang aking pagsusulat noong pumalit si “Toni” palayaw ni Gloria Antoinette na naging kaklase ko noong high school.

At sa pagtatapos ng Midland at binalikan ko ang aking mga larawan.

Duon ko napagtanto na sa haba ng panahon, ay marami na palang nagbago. Marami ang tumanda na, sumakabilang buhay na o di kaya ay mga nagbagong mga tanawin – mga gusali man o kalsada, tourist spot at alituntunin.

Maraming  mga taong umangat ang pamumuhay. Mayroon din na  mga kakilala  na nalimot ka na.  Pero sa haba ng panahon, itong Midland ay nagsilbing gabay ng bayan.

Nagbabalita gamit ang slogan na “Fair, Fearless, Friendly, and Free,” ito ang lokal na pahayagan na binabasa nang marami sa lahat ng panig ng mundo, mula umpisa hanggang sa huli, hanggang sa maliliit na imprinta.

Siyempre bida sa mga pahinang balita ang obitwaryo. Marami nang mga parangal ang napanalunan ang Midland kayat nagging ‘Hall of Famer” na siya.

Ipinaglaban din ng pinuno ng Midland ang maliliit na mamayan na nagtitinda ng dyaryo. Bagaman pumapalit na digital at internet sa pagbibigay ng balita, ay marami pa rin ang gustong magbasa ng tunay na dyaryo na naka imprenta sa papel.

Di naman kasi lahat ng mga senior citizens ay mahilig sa computer o cell phone. (Ipagpapatuloy) – ■  Stella Maria L. de Guia