April 19, 2024

Nagt-trending ngayon ang katatapos na serye sa GMA7 na pinamagatang “Maria Clara at Ibarra” hango sa dalawang nobela ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “Noli Me Tangere” (Touch Me Not) at “El Filibusterismo” (The Reign of Greed) – mga mabibigat na babasahin.
Isa ako sa mga nahikayat na manood ng seryeng ito sa YouTube kahit putul-putol. Bakit nga ba kinagiliwan ito ng manonood na base sa kasaysayan ng ating bansa noong panahon ng mga Kastila at mga prayle? Mantakin mo, 105 episodes! Sa wika ng kabataan, “panalo”! Parang Korean telenobela ang dating. Sinamahan ng pagsali sa istorya ni Rizal ang
Gen Z na si Klay (Maria Clara Infantes). Ang mga nakatutuwang mga eksena sa umpisa ng istorya at paghalo ng mga linguwahe ng mga kabataan tulad ng “babu” (goodbye), “marites” (tsismosa), “exage or OA” (overacting or exaggerated ay tunay na nakakatawa).
Kung ang sinyor sitisen (senior citizen) na katulad ko ay nawili sa panonood, yung mga
Gen Z (zennials or zoomers) pa kaya?
Ipinagdiriwang natin ang kaarawan ni Dr. Rizal tuwing
June 19 at ginugunita ang kanyang kamatayan tuwing Dec. 30.
Masarap magbalik-tanaw sa kanyang mga obra para lalong maintindihan ang ating kasaysayan. Ano nga ba ang mga layunin ni Dr. Rizal sa pagsulat nito? Bakit kailangan maunawaan ng kabataan? Maaari naman pala tayo gumawa ng mga serye na katulad nito. Napagpupulutan na ng aral, naibabalik pa ang pagmamahal sa sariling wika at bayan. Napakasarap pakinggan ang pagbigkas ng “Aking bininibing Klay” ni Fidel o ang pagbigkas ni Klay ng ginoong Fidel. Music to the ears ika nga. Mabuhay ka Dr. Jose Rizal! Tama po kayo, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” at “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mahigit pa sa malansang isda.”
Paano nga ba ako nahilig sa panonood ng “Maria Clara at Ibarra”? Nagsimula ito noong makita ko ang larawan ni Klay (Barbie Forteza) sa Facebook na nakasuot ng napakagandang “Maria Clara” ay may tanong na “Kamusta ka na binibing Klay?”
Nag-evolve ang kasuotan na ito sa simpleng baro’t saya (blouse and skirt), tapos tinawag na “Maria Clara”, “traje de mestiza” at sa panahon ngayon ang tawag ay “terno”. Ito ang madalas isuot ng dating Unang Ginang Imelda Marcos.
Napagtanto ko, ganitong mga palabas pala ang makapagpapalawak ng ating pagmamahal sa ating kultura at kasuotan. Samahan pa ito ng pagpapakita ng mga makasaysayang mga lugar na hawi sa ating kwento, ang panggamit ng wikang Filipino, ang paghain ng mga putahe tulad ng tinola, na may ibig sabihin pala depende sa parte ng manok na ihinahain.
Naisip ko rin na ganito nagsimula ang panonood natin ng mga pelikulang Koreano.Batay rin sa kasaysayan ng kanilang kaharian noong Joseon era. Ang panggagamot na gamit ang akyupanktiyur (acupuncture) at ang tradisyon ng pagtulog sa sahig. Madali nilang napalaganap ang interest at karunungan tungkol sa kanilang kasaysayan, kultura, wika, pagkain, mga kanta, at maging tradisyunal na kasuotang “hanbok”.
Nawili na rin tayo sa panonood ng istorya ng kabataan noong sila ay high school hanggang tumanda. Nasanay din tayo sa kanilang salita sa pamamagitan ng pagbasa ng subtitles. Kalimitan nawiwili tayo sa mga istoryang may kahalong time travel gaya ng “Mr. Queen”.
Mahirap maalala ang kanilang mga pangalan ngunit unti-unti din nating naaalala. Nakakaaliw di ba?
Nawili din tayo sa pagsikat ng mga boy at girl bands katulad ng BTS at sa kanilang mga makabagong sayaw. Magaling sila mag-promote at mag-market ng kanilang kasaysayan at kultura. Pero sa kanila, pinag-aaralan lahat. Pinag-aaralan angpag-arte, pagmemake-up, pagkanta, pagsayaw, pananamit, at karamihan ng artista ay may angking talento.
Sa “Noli” naman, di lang cute sina Barbie Forteza at David Licauco. Mahusay din silang gumanap, kaya nga pinagtiyagaan kong panoorin sa YouTube. Napunta na rin ako sa panonood ng iba pa nilang maiiksing pelikula sa YouTube. Mahusay talaga! Mabuti na lang naimbento ang YouTube at Netflix. Maraming nakakakilig na eksena sina Klay at Fidel sa “Noli”. At maraming eksena na may mapupulot na aral. (Itutuloy)