March 29, 2024

Magtiwala tayo sa ating mga lider sa panahon ng Covid-19 pandemic

Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon si Mayor Gabino Ganggangan ng Sadanga, Mountain Province na patunayan na tama ang naging desisyon niya tanggihan ang ayudang bigay ng gobyerno?
Sa mga grupong bumabatikos ngayon kay mayor, kayo ba ay taga-Sadanga? Pinatunayan niyo lang din na hindi ninyo pinagkakatiwalaan ang taong iniluklok ninyo sa inyong lugar. Sinisiraan niyo na nga si mayor, lalo niyo pang inilugmok ang kanyang munisipalidad.
Kung hindi kayo taga-Sadanga, paano n’yo malalaman ang totoong sitwasyon nila doon kung kayo mismo, hindi alam ang nangyayari sa lugar na iyon? Kaya huwag tayo agad manghusga ng tao batay lang sa narinig o nabasa natin.
Sa pagkakaalam at pagkakaintindi ko, may proseso silang ginawa o sistemang sinunod. Hindi naman magdedesisyon si mayor kung hindi muna siya sumangguni sa kanyang mga kasamahan. Malamang majority ang naging desisyon nila bago pa man siya naglabas ng kanyang pahayag.
Naiintindihan ko rin naman ang sentimyento n’yo pero hindi ito ang panahon para kastiguhin natin ang mga desisyon ng ating mga lider dahil kung tutuusin, ginagawa nila lahat ang kanilang makakaya para sa ikabubuti ng kanilang nasasakupan. Hindi naman siya gagawa ng dahilan kung alam niyang ito ay makakasama sa kanya at sa kanyang nasasakupan. Kaysa batikusin natin siya nang batikusin, bakit hindi na lang natin suportahan ang naging desisyon ni mayor?
Kung titignan natin sa kabilang banda, marami na ring mga lider sa iba’t ibang bayan ang gumawa ng kanilang sariling paraan para matugunan ang suliranin nila sa kanilang nasasakupan at matagumpay naman nilang naisagawa ang mga iyon dahil suportado sila ng mga tao.
Isa sa kanila ay ang mayor ng Gapan, Nueva Ecija na nagpamahagi ng isang sakong bigas, manok at mga grocery packs sa kanyang nasasakupan na hindi umasa sa tulong na ibibigay ng gobyerno. Ilan pa sa mga naging magaling na lider ay sina Mayor Isko Moreno ng Manila, Mayor Vico Sotto ng Pasig, at Mayor Carmelo Lazatin, Jr. ng Angeles City. May mga iba pang hindi nagpapakilalang personalidad pero makikita mong ginagawa nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya para mapagsilbihan ng tapat ang kanilang nasasakupan.
Sana po ay mas lawakan pa natin ang ating pag-iisip para mas maintindihan nating mabuti na maganda ang intensyon ng ating mga lider at para naman ito sa ikabubuti nating lahat. Inisip lang nila ang kapakanan ng kanilang mga tao, kung ano sa tingin nila ang mas makabubuti sa kanilang nasasakupan. Magkaisa po sana tayong lahat para matapos na ang ating kalbaryo laban sa
Covid-19. — NAME WITHHELD