May 30, 2023

Caution in giving donations to victims of calamities

Nais ko lamang pong magbigay ng aking hinaing patungkol sa mga organisasyong gustong manamantala sa ating mga kababayan sa oras ng sakuna. Naglipana na naman ang mga mapagbalatkayong mga organisasyon. Sinasamantala nila ang panahon na makakulimbat na naman ng pondo para sa kanilang mga pansariling interes.
Aakalain mong tila lehitimo ang ginagawang paghingi ng tulong o donasyon ng mga organisasyong ito para daw ipamahagi o ibigay sa mga nabiktima ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal. Ang totoo, prente lang nila ang talagang pagtulong dahil sa kanila lang din naman pala mapupunta ang mga hinihingi nila. Paraan na naman nila ito upang makapanlinang ng kapwa. Sa halip na ang mga nakukuha nilang donasyon ay dadalhin o ipapadala sa Batangas ay kukurakutin lang nila ito at ibibigay sa kanilang mga kasama sa kabundukan o di kaya’y magiging pondo na nila para sa kanilang mga mapanlinlang na mga aktibidades.
Hindi pa rin ba sila nakokonsensya sa mga pinaggagagawa nila? Ang lalakas ng loob ng mga taong ganid na ‘to para lumikom lamang ng pera mula sa mga taong ang gusto lang naman ay makatulong sa kapwa nila Pilipino.
Sa ating mga kababayan, sana ay maging alerto tayo at suriin nating mabuti kung kanino dapat natin ipagkatiwala ang ating mga ibibigay na tulong. Dahil kung sa mga maling tao ito mapupunta ay masasayang ang tulong na ibibigay natin na para sana sa ating mga kababayang nangangailangan. Hinihikayat ko ang bawat isa na gustong magpaabot ng tulong, na sa mga ahensya na lamang ng pamahalaan tayo sumangguni dahil alam kong mas lehitimo at talagang maipapaabot ang ating mga tulong kung manggagaling sa kanila.–
SHEILA MAE VIERNES, [email protected]

Related News