April 19, 2024

Isulong ang kapayapaan at kaunlaran sa darating na eleksyon

Mga kababayan, alam naman nating lahat na nalalapit na naman ang eleksyon, panahon ng pagpili ng mga maninilbihan sa bayan. Hindi na lingid sa ating kaalaman na may mga lingkod bayang nananatiling totoo sa ating hangaring mapaganda at maiangat ang kabuhayan nating mga Pilipino. Higit sa lahat, may mga nagnanais pa ring makamtan natin ang kapayaan sa lipunang malayo sa banta ng terorismo.
Subalit ngayon pa lang na hindi pa panahon ng kampanya ay nagsisilabasan na ang mga trapo at epal. Ang hamon sa atin bilang mga mamamayang Pilipino ay maging mapanuri at maging mapagmasid sa mga nangyayari sa ating paligid.
Siyasatin nating mabuti kung sino nga ba ang mga dapat nating iluklok sa pwesto.
Ang usaping kapayapaan ay isa sa mga isyung panlipunan na dapat isaalang-alang ng mga botante sa darating na eleksyon sa taong 2022.
Habang hindi pa tuluyang nagagapi ang mga armadong grupo gaya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democractic Front, sila ay patuloy sa pagkalat ng kanilang propaganda at kasinungalingan upang lapastanganin ang demokrasyang kanila rin naming tinatamasa.
Kasama ng CPP-NPA-NDF ang mga ibang political groups na wala naman magandang iniambag sa Kongreso kundi kumontra at pagmukhaing batugan ang ating gobyerno.
Ginagamit lang naman nila ang kanilang posisyon sa Kongreso upang pabagsakin ang demokrasyang ipinaglaban ng bawat Pilipino.
Samantala, kinakamkam nila ang pondo ng masa para lamang ibigay sa mga kasamahan nilang NPA sa kabundukan na ang tanging gawain ay mangikil sa ating mga negosyante, manunog ng mga kagamitan ng gobyerno at guyuhin ang ilang mga kabataan na sumali sa kilusan.
Bawat isa sa atin ay may pananagutan sa kung sinumang mga uupong lider natin sa mga susunod na taon.
Nasa ating mga kamay ang responsableng pagpili ng ihahalal na opisyal na sumusuporta sa layuning ng gobyerno na makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa bawat bayan at lalawigan sa ating bansa.
Malaki ang ating gagampanan sa darating na eleksyon para tulungan ang ating bansa na wakasan ang karahasan at terorismo mula sa kamay ng mga armadong grupo gaya ng CPP-NPA-NDF tungo sa minimithi ng ating gobyerno na mapabuti at mabigyan ng magandang buhay ang bawat pamilyang Pilipino.
Isa po itong paalala na alamin po natin kung sino nga ba ang dapat na maging lider natin na magsusulong para sa kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran ng ating bayan. —
MA. LOUISA FOLIGAN, spokesperson, Samahan ng Mamamayang Nagkakaisa Kontra Terorismo