May 21, 2024

Mariing kinokondena ng Balik Loob Organization of Mountain Province ang pahayag ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army nitong nakaraan nilang anibersaryo noong Marso 26.
Nakasaad sa kanilang pahayag ang direktang pag-uutos ng CPP sa NPA na maglunsad ng ma taktikal na opensiba sa bawat sulok ng bansa sa kahit anumang pamamaraan kabilang na ang paggamit ng mga land mine at iba pang pampasabog.
Ito ay base sa paniniwala nila na ang taktikal na opensiba laban sa pamahalaan ay mawawasto nila ang kamalian nitong mga nagdaang mga panahon.
Bagamat inaasahan na natin ang mga ito na s’yang ipapangalandakan nila sa kanilang anibersaryo, hindi din nakakagulat na magdeklara sila ng isang planong magdudulot ng takot sa mga mamamayan at para maipakita sa goberno ng Pilipinas na dapat silang katakutan.
May mga punto po dito na nais naming iparating sa mamamayan ng
Montañosa at sa buong Cordillera at sa buong sambayanang Pilipino.
Una, gusto po naming ipabatid na ang pagdeklara ng ganitong utos ng
CPP sa kanilang armadong pwersa ay bunga ng pagkadesperado nilang ipagpatuloy ang rebolusyonaryong kilusan labag man ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Ito ay patunay na wala silang pakialam sa kaligtasan ng mga mamayan basta makapagdulot sila ng terorismo sa bansa sa kadahilanang alam na nilang unti-unti na silang nalalagas ni wala silang nabanggit na accomplishment report sa pahayag nilang ito.
Pangalawa, ginagamit ulit nila ang salitang “pagwawasto” na ibig sabihin ay marami nanamang nasayang na buhay ng mga kababayan natin hindi lang sa Cordillera kundi sa bawat sulok ng bansa na kung saan sila nakapanlinlanlang at maraming kabataan ang kanilang nilalason sa mga nagdaang panahon.
Hindi pagwawasto sa pamahalaan ang makitang may namamatay na kasama nila sa kilusan lalo na ang mga kabataan na sinasabi nilang nagsasakripisyo para sa inang bayan.
Ang ganitong panawagan ay nangangahulugan lamang na hindi nila isinapuso ang pagbubukas ng gobyerno sa kanila para sa usaping pangkapayapaan.
Muli naming ipinaabot sa sambayanang Pilipino na ang ganitong panawagan o plano ng rebolusyonaryong kilusan ay isang hakbang ng isang taong wala sa tamang pag-iisip.
Panatilihin nating mapagmatyag at iligtas natin ang mga kabataang kanilang nalinlang at magtulungan tayong tapusin at sugpuin ang matagal ng problema ng bayan.
— JAMES BIAG, president, Balik Loob Organization of Mountain Province